Umeksena si Gabe Norwood sa endgame at naligtasan ng Rain or Shine ang see-saw game kontra Ginebra 83-80 sa Petron Saturday Special ng PBA Philippine Cup sa umapaw na Calasiao Sports Complex sa Pangasinan kagabi.
Pininturahan ng Elasto Painters ang pangalawang panalo sa gayunding dami ng laro, nahatak ang Gin Kings sa 1-2 kahit pa wala ang kanilang starting center na si Raymond Almazan panapat sa mga higante ng Ginebra.
Tumapos lang ng 6 points si Norwood, pero pinakaimportante ang back-to-back baskets niya para panatiliin sa unahan ang Painters 82-76, 1:38 sa laro.
Inaalagaan ng RoS ang manipis na three-point lead, naka-steal si LA Tenorio at kumaripas na sa kabila pero hinabol ni Norwood, binutata ang layup ng Ginebra guard.
Unang pito ng referees ay goal tending, pero pagkatapos ng review ay dinesisyunang clean block ni Norwood.
Jump ball sa gitna, suwerte pang napunta sa Painters ang bola na natapik palabas ni Tenorio.
Kabyos ang 3-pointer ni James Yap, bumagsak sa harap ni Norwood ang rebound at split si Mark Borboran sa free throw line 83-79.
Sa final 8 seconds, walang naipasok si Japeth Aguilar sa free throws, split si Scottie Thompson at naselyuhan ang panalo ng Rain or Shine.
Palitan sa trangko sa opening quarter bago nagsagutan ng runs sa second ang magkatunggali.
Inumpisahan ng Elasto Painters ang first 3 minutes ng period sa 10-2 blitz para umabante 30-21, sumagot ng sariling 11-2 spurt ang Gin Kings para ibuhol sa 32-32.
Pumasok sila sa break na kumakapit sa unahan ang Rain or Shine 39-38.
Ganun pa rin ang istorya sa third quarter, ilang beses nag-agawan sa manibela at nasa unahan naman ang Gins 63-60 pagkatapos ng 36 minutes ng aksiyon.