Isang na namang notorious na tulak umano ng ipinagbabawal na gamot ang patay matapos na mapa-engkwentro sa mga tauhan ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni Police Senior Supt. Dante Novicio ng Navotas City Police, alas- 11:00 ng gabi nang magsagawa ng buy bust operation ang mga tauhan ng Navotas City Police Community Precinct IV sa pamumuno ni PInsp. Albert Trinidad laban sa suspek na nakilalang si Bryan Benzon, 28 anyos sa Block 28, Area I, Phase II, Kaunlaran Village, Barangay North Bay Boulevard South (NBBS) ng nasabing lungsod.

Nang magkaabutan na umano ng marked money kapalit ng mga sachet ng hinihinalang shabu ang poseur buyer at suspek at doon na umano nakaramdam ito na may mga alagad ng batas sa lugar.

Agad umano niyang binunot ang kanyang .38 caliber na baril at itinutok sa nagtatagong tauhan ng PCP 4 ngunit bago pa man niya ito mapaputok ay inunahan na siya ng pulisya.