Patay ang isang notoryus na drug pusher nang makipaghabulan at makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng checkpoint sa Barangay San Dionisio, Parañaque City kahapon ng madaling-araw.
Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang suspek na nakilala lamang sa alyas ‘Macky’ na nagtamo ng limang tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan, habang nakatakas naman ang kasama nitong rider na isa ring drug pusher.
Base sa isinumiteng report ni Senior Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Parañaque City Police dakong alas-2:55 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng C-5 extension Barangay San Dionisio nang nasabing lungsod.
Ayon kay Modequillo, sakay ng isang kulay puting motorsiklo na may plakang 1575-XH ang dalawang suspek nang mapansin nito ang isinasagawang checkpoint ng mga awtoridad sa Sitio Libjo, Sto Niño nang naturang lungsod.
Nakita ng mga pulis ang ginawang pag-iwas sa checkpoint ng mga suspek kaya’t sinundan ang mga ito.
Nang mapansin ng mga suspek ang papalapit na mga pulis ay agad itong nagpaputok dahilan upang ratratin ng mga awtoridad.
Dito na duguang bumulagta ang suspek na si Macky sa may kahabaan ng C-5 extension Brgy. San Dionisio nang nasabing lungsod.
Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), narekober ang motorsiklo na gamit ng dalawang suspek, 13 sachet ng hinihinalang shabu, isang kalibre .38 at anim na basyo ng bala mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril.