Himas-rehas ang kinikilalang notoryus na miyembro ng akyat bahay gang matapos malambat nang ireklamo ng panggugulo at pag-iingay sa kalsada dahil na-onse umano ng kasabwat sa pagnanakaw, kahapon nang madaling-araw sa Barangay Concepcion Uno, Marikina City.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na si Jayson Pagguio, alyas ‘Ngo-ngo’, 19, residente ng Purok 5 Zone 8 Brgy. Cupang, Antipolo City.

Inaresto ang suspek ala-1:20 nang madaling-araw sa Spain St., cor J.P. Rizal.

Ayon kay PCpt. Jervies Soriano, hepe ng Station Special Operations Unit (SSOU), inireklamo ng mga residente ang pag-iingay at pagtatalo ng dalawang lalaki kabilang ang suspek at isang kasabwat nito na nakilala lamang sa alyas na ‘Dennis’.

Agad na rumesponde ang pulisya at nasaksihan ang pagmumurahan ng dalawa at agad na inaresto si Pagguio habang nakatakas naman si Dennis.

Nakumpiska mula kay Pagguio ang isang sumpak at mayroong bala.

Nabatid na magkasabwat sina Pagguio at Dennis sa lakad na salisi at akyat bahay na mga talamak sa Marikina nambibiktima. Onsehan din umano sa partihan sa ninakaw nila ang ugat ng pagtatalo ng dalawa.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Marikina detention cell at nahaharap sa kasong alarm and scandal at RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition. (Vick Aquino)