Kulungan ang bagsak ng isang notoryus na drug pusher matapos malambat sa ikinasang follow-up ng San Juan Police, Biyernes ng tanghali.

Batay sa nakalap na report mula sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director PBGen. Johnson Almazan, nakilala ang suspek na si Kevin Bryan Lee, 32, residente ng Barangay West Crame, San Juan City.

Ayon kay San Juan Police Chief, PCol. Jaime Santos, pinangunahan ng mga tauhan ng station drug enforcement unit sa pangunguna ni PCpt. Edwin Malabanan ang paglatag ng warrant of arrest 34-2019 na inisyu ni Hon. Judge Danilo Cruz ng RTC Branch 152 Pasig City laban sa suspek bandang 2:20 Biyernes ng tanghali sa bahay ng suspek.

Nakumpiska mula sa suspek ang 11 piraso ng sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu at paraphernalia.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa San Juan City custodial facility at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Vick Aquino)