Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa entrapment ope­ration ang isang notoryus na swindler na nagbenta ng dati niyang ari-arian na una na niyang naibenta sa ibang tao, noong Huwebes sa Las Piñas City.

Nahaharap sa kasong estafa at falsification of public documents ang suspek na si Danilo Candaba, 71-anyos.
Nabatid na dumulog sa NBI ang biktimang si ‘Rosa,’ ‘di tunay na pa­ngalan at inireklamo si Candaba na nagbenta sa kanila ng bahay at lupa sa Las Piñas sa hala­gang P2.3 milyon noong Mayo.

Nagulat umano ang biktima nang ipatawag sila sa barangay matapos magreklamo ng trespas­sing ang may-ari ng bahay at lupa na si Ro­well Capal.

Nalaman na ang lote at bahay na kanilang binili ay pag-aari ni Candaba na isinanla nito sa banko at tuluyang ipinasalo kay Capal nang hindi na nito mahulugan.

Nakiusap umano si Candaba kay Capal na uupahan na lamang nito ang kanyang ari-arian, na pinayagan naman ni Capal habang hindi pa niya ito naibebenta pero inunahan siya ni Can­daba gamit ang isang pekeng Special Power of Attorney (SPA).

Sa beripikasyon ng NBI sa record ng suspek, nalaman na marami na itong mga katulad na kaso na nakasampa sa iba’t ibang korte at may kaso din itong may kinalaman sa iligal na droga. (Juliet de Loza-Cudia)