Tapos na ang istorya ng buhay ng umano’y pasaway na 26-anyos na sangkot sa mga serye ng pagnanakaw, panghoholdap at pagtutulak ng ilegal na droga sa lungsod ng Dasmariñas, Cavite.

Ito ay makaraang permanente nang patahimikin ng hindi nakilalang suspek si Daryl Jay Salvador y Probido, nang matiyempuhan sa Jakarta St., San Marino City, Brgy. Salawag, Dasmarinas City, Cavite, mag-a-alas-otso ng gabi kamakalawa.

Batay sa ulat ng Dasmariñas City Component Police Station, kabilang sa listahan ng mga Drug Personality sa Double Barrel Alpha ang napaslang na si Salvador na pinagbabaril ng suspek na mabilis ring nakatakas matapos ang krimen.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Salvador, na indikasyong tiniyak ng suspek na wala na itong buhay bago iniwan sa crime scene.