Wala si rookie sensation Luka Doncic, nagliyab sa fourth quarter si 20-year veteran Dirk Nowitzki para ihatid ang Dallas Mavericks sa 121-116 panalo kontra Cleveland Cavaliers Sabado ng gabi.
Nagtuhog ng 10 points sa fourth quarter ang 40-anyos na si Nowitzki mula sa turnaround jumper, 3-pointer, two free throws at isa pa mula long range, 7:15 pa sa laro.
Humihinga na ang German 7-footer sa batok ni Wilt Chamberlain sa sixth place ng NBA all-time scoring list.
Bago ang laro ay nangailangan si Nowitzki ng 18 points para lampasan ang 31,419 ni Chamberlain.
Tumapos siya ng 14 laban sa Cavs, kinapos ng tatlo sa record ni Chamberlain.
Puwedeng makuha ni Nowitzki ang 3 points laban sa New Orleans Pelicans bukas.
Maingay na ang crowd na excited masaksihan kung mabubura ang record, pero sablay si Nowitzki sa final five shots. Sinabayan siya ng standing ovation nang ilabas sa final seconds.
“I was going for it (record) there,” ani Nowitzki. “I just didn’t have another hot hand down the stretch.”
Pumasok sa season si Nowitzki na kapos ng 232 points sa total ni Chamberlain.