Noynoy appointee kapit-tuko sa puwesto?

Dating Presidente Benigno Aquino III

Maitalaga kaya bilang pinuno ng isa sa pinakama­laking ahensya ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang opisyal na nagsilbi sa admi­nistrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III?

Si Ferdinand Rojas II, Vice Chairman at General Manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay nasasabing napupusuan umupo bilang Chairman ng ahensiya, ayon sa mga emple­yado na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Naitalaga si Rojas sa PCSO sa ilalim ng administrasyong Aquino noong 2010.

Ayon sa mga source sa loob ng PCSO, malapit si Rojas sa pamilya Aquino kaya ito natanggap at naitalaga sa mataas na posisyon. Ngunit ngayong tapos na ang termino ni Aquino, hindi makapaniwala ang mga empleyado sa kumakalat na ipinagkakalat na malapit si Rojas sa administrasyong Duterte at paniguradong ipanananatili siya puwesto o maiaangat na Chairman.

Ikinagulat din ng mga empleyado ang balita sapagkat usap-usapan umano ang mga isyung kinakaharap ni Rojas patungkol sa operasyon ng Small Town Lottery (STL) ng Zambales, Negros Occidental, at halos lahat ng probinsiya sa Region III. Si Rojas din umano ang nagkaloob sa mga jueteng lord ng STL franchises upang maging ligal ang kanilang mga ope­rasyon.

At sa kabila ng mahigit isang bilyong piso na lugi ng Keno Lotto Express, siyang nagpapatakbo ng PCSO Keno, walang ginawa si Rojas upang maikansela ang kontrata sa pagitan ng Keno at PCSO.