Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon na humihiling na kasuhan si dating Pangulong Benigno Aquino III ng 44 counts ng reckless imprudence resulting to homicide kaugnay ng madugong Mamasapano massacre noong 2015.

Bunsod ng desisyon ito, tuluyan nang nalinis sa anumang kasong may kaugnayan sa Mamasapano si dating Pangulong Aquino.

Sa isang press conference, sinabi ni Supreme Court spokesperson Atty. Brian Hosaka na unanimous ang desisyon ng 15 miyembro ng SC en banc na siyang nagbabasura sa inihaing petition for certiorari ng mga petitioner na sina Felicitas Nacino, Helen Ramacula (pamilya ng Special Action Force (SAF) na nasawi sa insidente) at ng Volunteers Agains Crime And Corruption (VACC). Inireklamo ng mga ito ang umano’y grave abuse of discretion ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales nang ipawalang-saysay nito ang reklamong homicide laban kina Aquino, dating PNP Chief Allan Purisima at dating SAF Chief Getulio Napenas.

Sa halip, graft at usurpation of authority ang ikinaso ni Morales kay Aquino nang payagan nito noon si PNP chief Alan Purisima na ituloy ang operasyon kahit na suspendido ito noong nangyari ang insidente. Gayunman, tuluyang binawi ng Ombudsman ang kaso sa dahilang wala umanong presidente na maaaring kasuhan ng ‘usurpation of authority’.

Kinatigan ng SC ang pinagtibay na resolusyon ng Ombudsman na may petsang Hunyo 13, 2017 at ang consolidated order na may petsang Setyembre 5, 2017 na nagsasabing walang probable cause para kasuhan ang mga respondent.

“The Court held that the Ombudsman did not commit grave abuse of discretion amounting to lack or excess of jurisdiction in dismissing the complaints for 44 counts of reckless imprudence resulting in homicide filed against private respondents,” sabi pa ni Hosaka. (Lorraine Gamo)