Sa 3,000 personalidad na inimbitahan ng Kongreso para sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes na kinabibilangan ng 1,500 very important persons (VIPs) ay tanging si dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang nagpasabi na hindi siya dadalo.

Ito ang kinumpirma kahapon ni House of Representative Secretary General Cesar Pareja sa press conference kahapon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kaugnay ng SONA ni Duterte.

“Si former President Aquino pa lang ang nag-decline,” ani Pareja subalit hindi tinukoy ng opisyal ang dahilan ng dating Pangulo kung bakit hindi ito makakadalo sa ikalawang SONA ni Duterte.

Hindi rin dumalo si Aquino sa unang SONA ni Duterte.

Dahil dito, tanging si Aquino ang buhay na naging Pangulo ng bansa na wala sa gallery ng Mababang Kapulungan sa araw ng SONA dahil kumpirmado na ang attendance nina dating Pangulong Fidel Ramos, Joseph ‘Erap’ Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.

Karaniwang pinagtatabi ang mga ex-Presidents sa lower at main gallery kapag mayroong SONA kung saan ang sitting arrangement ay base kung kailan naging Pangulo ang mga ito. Dahil dito, kung dadalo si Aquino sa SONA ay makakatabi nito si Arroyo.

4 Responses