NOYNOY DINEDMA NI GLORIA

Hindi man nakamayan ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa panimula ng miting ng National Security Council (NSC) sa Malacañang nitong Miyerkules, binati naman ng una ang huli.

Ayon sa source, naganap ang pagbati ni Aquino kay Arroyo nang maglabasan na ang mga photographer at came­ramen sa isinagawang­ “photo op” kay Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang apat na da­ting Pangulo ng bansa­ na sina Aquino, Arroyo, Manila Mayor Joseph Estrada at Fidel V. Ramos.

Sa kabila ng pagbati ni Aquino kay Arroyo, dinedma lang umano ng Pampanga solon ang binatang ex-president na naging estudyante niya sa Ateneo.

“Di totoong inisnab ni PNoy si GMA. Si PNoy nag-hi kay GMA sa NSC. Sila-sila na lang mga presidente at opisya­l ang naroon. Nu’ng nag-hi si PNoy, di sya kinibo ni GMA. Parang asiwa pa ang mukha,” ayon sa text message ng source sa Abante Tonite.

Halos limang taon na nakulong si Arroyo at isinailalim sa hospital detention. Una ay sa kasong electoral sabotage kaugnay ng ginawang pandaraya sa 2007 senatorial elections at ang panga­lawa ay ang plunder case kaugnay ng pagkalikot umano sa higit P300 mil­yong pondo ng PCSO.

Nitong nakalipas na linggo ay ibinasura ng Supreme Court ang plunder case ni Arroyo kung kaya’t nakalabas ito sa hospital detention.

Nauna rito ay pinayagan din ng korte ang pagpiyansa nito sa kasong electoral sabotage.