Kinuwestiyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino Jr. ang ulat na sinampahan siya ng Natio­nal Bureau of Investigation (NBI) ng reklamong technical malversation of public funds kaugnay ng P3.5 billion Dengvaxia controversy.

Iginiit nito na hindi ito makatwiran dahil sinabi ng Department of Justice (DOJ) na nagpapatuloy pa ang im­bestigasyon nito sa kontrobersya.

Hindi pa rin umano siya nabibigyan ng due process dahil hindi pa siya pinasasagot ng NBI sa mga alegasyon laban sa kanya.

Nakatanggap lang umano siya ng subpoena na nag-aatas na humarap siya sa NBI noong Mayo 25 kung kailan hindi man lang umano siya pinagsumite ng anumang dokumento o katibayan para makasagot sa mga alegasyon.

Sa panayam sa pagdalo nito sa bles­sing ng bagong tanggapan ng Abante at Abante TONITE sa Makati City, muling iginiit ni Aquino na wala siyang ginawang krimen noong aprubahan niya ang pagbili ng Dengvaxia gamit ang savings ng gobyerno noong Dis­yembre 2015.

Rekomendasyon umano iyon ng Department of Health (DOH) dahil dumami ang nagkasakit noon ng dengue.

Iginiit din ng dating Pangulo na walang irregular sa pagbili ng bakuna dahil aprub ng Kongreso ang paglalaan ng badyet sa Expanded Immunization Program.

Nakasunod naman umano sa mga patakaran ang deklarasyon na savings ang ipinambili ng Dengvaxia.