Patay ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) habang sugatan ang isang sundalo sa naganap na engkuwentro kahapon ng umaga sa Sitio Panakan, sa bayan ng Socorro, Oriental Mindoro.

Sa ulat, alas-8:55 ng umaga nang maka-engkuwentro ng tropa ng militar at pulisya ang tinata­yang 15 miyembro ng NPA sa Sitio Panakan, Brgy. Happy Valley ng nabatid na bayan kung saan nagkukuta ang mga rebelde.

Makalipas ang 15-minutong palitan ng putok ay umatras na ang mga rebelde patungong mabundok na bahagi ng lugar at iwan ang isa nilang kasama na nasawi sa engkuwentro. Sa ngayon ay inaalam pa ang pagkakakilanlan nito.

Sugatan din sa labanan si Corporal Froilan Yaka na nagtamo ng bala sa balikat.

Nakarekober naman ang tropa ng pamahalaan ng isang kalibre .45 baril at dalawang magazine, 3 magazine para sa M16 armalite rifle, gayundin ang bulto-bultong bala para sa M60 at M16 na baril, mga pampasabog at subersibong dokumento ng samahan. (Edwin Balasa)