Ikinagalak ng mga miyembro ng National Parks Development Committee Employees Association (NPDCEA) ang agarang ginawang aksiyon ng Department of Tourism (DOT) hinggil sa natuklasang pagbili ng NPDC ng isang orchid na isang mil­yon ang halaga.

Nais malaman ni DOT Sec. Berna­dette Romulo Puyat kung bakit ganoon kamahal ang orchid kaya iniutos nito ang malalimang imbestigasyon.

Ang aksiyon ni Sec. Puyat ay bunsod ng natuklasang ‘red flag’ ng Commission on Audit (COA) report.

Ipinaaalam ng opisyal kung may iregularidad na ginawa si NPDC Exe­cutive Dir. Penelope Belmonte hinggil sa P7.5 milyon COA report.

Binigyan ni Sec. Puyat si Belmonte ng 6 buwan upang ipaliwanag ang COA report na umano’y iregularidad kabilang ang kalahating milyong pisong tailoring services, designer bags, bagong sasakyan at bodyguards.

Ipinagtataka rin ng mga emple­yado ng NPDC ang pagtungo ni Belmonte at mga opisyal ng ahensiya sa study tour sa Singapore Parks and Recreation Management para sa kanilang hangarin na makakuha ng orchids na pinangalanang Duterte.