NTC tinakot ni Calida

Nagbabala ang Office of the Solicitor General (OSG) sa National Telecommunications Commission (NTC) na huwag magbibigay ng provisional authority para makapag-operate ang ABS-CBN na mapapaso ang prangkisa ngayong Lunes, Mayo 4.

Ito’y sa kabila ng panawagan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Palawan Rep. Franz Alvarez, chairperson ng House committee on legislative franchises, na bigyan ng provisional authority ang Kapamilya network noon pang Pebrero habang wala pang desisyon ang Kongreso hinggi sa franchise renewal ng ABS-CBN.

Matatandaang tumugon dito si NTC Commissioner Gamaliel Cordoba noong Marso 10 at sinabing maglalabas ng provisional authority ang kanilang ahensya base sa opinyon ng Department of Justice (DOJ) na payagang makapag-operate ang ABS-CBN.

Subalit iginiit ni Solicitor General Jose Calida na base sa desisyon ng Korte Suprema noong 2014, makapagbibigay lamang ng provisional authority ang NTC sa isang broadcasting company kapag nakakuha na ito ng prangkisa sa Kongreso.

Matapos nito ay kailangan pang mag-apply ng Certificate of Public Convenience ang isang network sa NTC para makapag-operate.

“The NTC cannot issue a PA when the broadcast company has no valid and existing legislative franchise,” giit ni Calida.

“No less than the Constitution requires a prior franchise from Congress. Hence, when there is no renewal, the franchise expires by operation of law. The franchise ceases to exist and the entity can no longer continure its operations as a public utility,” aniya pa.

Tungkol naman sa opinyon ng DOJ, sinabi ni Calida na hindi ito sapat na legal basis para magbigay ng provisional authority ang NTC. Hindi rin umano dapat sundin ang sinabi ng DOJ na equity considerations dahil may batas naman sa Konstitusyon ukol sa pagbibigay ng prangkisa.

Kung magmamatigas umano ang NTC at bigyan ng provisional authority ang ABS-CBN ay posibleng makasuhan ang mga commissioner nito sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act. (Ray Mark Patriarca)