NU Lady Bulldogs 5-peat sa UAAP women’s basketball

Tumahol si Jack Danielle Animam ng 15 points, 21 rebounds at 2 assists upang ipasagpang sa National University ang 67-61 desisyon at winalis ang Far Eastern University para sa ika-5 dikit na korona kahapon sa 81st University Athletic Association of the Philippines women’s basketball sa Big Dome, Quezon City.

“Sobrang happy ko talaga. ‘Yung goal namin is not the sweep but ‘yung fifth straight championship. Bonus na siguro ‘yung 80 wins or ‘yung 16-0 again,” bulalas ni NU Lady Bulldogs coach Patrick Henry Aquino sa maagang pagtapos sa race-to-2 win series.

May saklolong 11 markers, at tig-3 boards at blocks si Ria Nabalan na ga-graduate sa Bustillos, Sampaloc-based squad na walang talo sa kanyang 80 laro sa 8-eskuwelahang liga. Gayundin ang kakuwadrang si Jhianne Layug.

“Para du’n sa mga maiiwan, push lang nila sarili nila, cheer nila ibang teammates nila at sana alagaan nila ‘yung streak namin,” giit ni Nabalan.

Si Fatima Quiapo ang nanguna sa luhaang FEU Lady Tamaraws sa nasuwag na 15 pts. at 10 rebs.