NU, UST salpukan sa quarters

Mga laro ngayon (PhilSports Arena)
10:00 a.m. — San Beda vs. UP (S Turf)
12:00 noon — FEU vs. Perpetual (S Turf)
4:00 p.m. — NU vs. UST (V League quarters)
6:00 p.m. — Ateneo vs. TIP (V League playoff)

Sakmalan agad ang National University Lady Bulldogs at University of Sto. Tomas Tigresses sa quarterfinals ng Shakey’s V-League Season 13 Collegiate Conference sa PhilSports Arena­ sa Pasig ngayong araw.

Tumapos ng 3-1 card ang Lady Bulldogs sa group eliminations, 2-2 ang Tigresses.

Carry-over ang format kaya bitbit nila ang karta sa quarters.

Hindi pa kumpleto ang cast sa quarters dahil paglalabanan pa ng Ateneo Lady Eagles at Technological Institute of the Philippines Lady Engineers ang huling ticket.

Nagkaroon ng playoff game matapos manalo ng Lady Eagles sa tatlong sets laban sa Lady Bulldogs 25-15, 27-25, 25-17 noong Sabado ng gabi para ilista ang 2-2 baraha kapareho ng TIP sa Group A.

Inangklahan ni Michelle Morente ang Ateneo sa paghirit ng do-or-die game.

“We gave it all our best because it was a do-or-die game,” saad ni team captain Morente. “We hope to play the same way, perhaps better, in our playoff against TIP and get to the quarterfinals.”

Hindi naglaro sina Jhoanna Maraguinot at Bea de Leon nang masilat ang Ateneo sa TIP 24-26, 25-14, 21-25, 25-18, 12-15, sa eliminations noong Agosto 3.

Wala pa rin si Maraguinot dahil sa foot injury pero makakapalo naman si De Leon para tulungan si Morente na idapo ang squad sa susunod na yugto.