Nuclear energy agreement sa Russia, pag-aaralan ni Duterte

Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na pag-aralan ang nuclear energy agreement na pinirmahan kaugnay sa naging pagbisita nito sa Russia noong isang linggo.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na natalakay sa Cabinet meeting noong Biyernes ng gabi ang hinggil sa naturang kasunduan kung saan nais muna ng Presidente na mabusisi at mapag-aralan ito.

Ang kansunduan ay para sa posibleng pagtatayo ng nuclear power plant para sa dagdag na enerhiya sa bansa.

Sinabi ni Panelo na binigyang-diin ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa Cabinet meeting na ang kasunduan ay dadaan pa sa masusing diskusyon at hindi para magtayo agad ng plantang nukleyar.

“The DOE reiterated that the Memorandum of Intent signed last October 4, 2019 was a framework for discussion and not for a particular construction of a small modular reactor. The President wanted to study first the proposal,” ani Panelo.

Matatandaang sinabi ng Pangulo pagdating sa bansa mula sa Russia na nakasaad na Konstitusyon ang pagbabawal na gumamit ng plantang nukleyar kaya kailangan nitong kausapin ang kanyang gabinete at kung kinakailangan ang permiso ng Kongreso ay kailangan nitong ikonsulta ang usapin sa Department of Justice.

“I will decide what is to the best interest of the country. That is the number one rule there. That is why I said I have to consult the Cabinet and the legal — the secretary of Justice,” anang Pangulo. (Aileen Taliping)