Panahon na para mabago ang mentalidad at pagtingin ng sambayanan sa paggamit ng yamang nukleyar ng bansa.

Ipinaliwanag ni Albay Rep. Joey Salceda, pangunahing nagsusulong ng ideya sa Kamara, na magiging kapaki-pakinabang ang wasto at ligtas na paggamit ng sistemang ‘nuclear’ sa agrikultura, kalusugan at medisina, paglikha ng kuryente, industriya, ‘scientific research’ at edukasyon.

Wala umanong dapat ipangamba dahil hihimayin nito ang panganib mula sa ‘ionizing radiation’ at pangangalagaan ang kapaligiran at lipunan, habang masinop na titiyakin ang ligtas na pangangasiwa sa basurang ‘nuclear.’
Pasado na sa ikalawang pagbasa ng mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang iniakda ni Salceda, ang “Comprehensive Nuclear Regulation Act” (HB 8733) na magsusulong sa teknolohiya at paglago ng industriya.

Nakapaloob dito ang paglikha ng Philippine Nuclear Regulatory Commission (PNRC) na ipapangasiwa sa Department of Science & Technology.