GUIMBA, Nueva Ecija — Kamatayan ang sinapit ng isang drug personality na hinihinala ring miyembro ng ‘gun for hire’ makaraang paputukan ang mga pulis na nakabantay sa checkpoint sa kahabaan ng Guimba-Pura road sakop ng Bgy. San Rafael dito kahapon ng madaling-araw.
Batay sa ulat ni P/Supt. Recie Duldulao nakilala ang biktima na si Rufino Ramos Avila Jr., 35-anyos, residente ng Bgy. Saranay sa bayang ito.
Nabatid sa pagsisiyasat ni PO2 Rowell de Guzman na alas 12:15 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente habang ang mga elemento ng 1st Manuever Platoon ng Provincial Public Safety Command sa pamumuno ni P/Inspector Wilson Kimmayon ay nagsasagawa ng anti-criminality checkpoint sa lugar ay pinapara ang nakamotorsiklong si Avila.
Sa halip na huminto ay bumunot umano ng caliber .38 ang suspek at binaril ang mga pulis na napilitang gumanti ng putok at napuruhan si Avila na nasawi noon din.
Nakarekober ng SOCO team ang isang caliber .38 revolver na ma 2 live ammos at 4 basyong bala; isang sling bag na naglalaman ng 11 plastic sachet ng shabu, 2 disposable lighters, isang maliit na kahon na naglalaman ng 8 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P27,000.