Number coding sa provincial bus sinuspinde

Pansamantalang pinatigil ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme para sa mga provincial bus upang bigyang daan ang mga commuter na uuwi sa kanilang mga probinsya para bomoto sa Mayo 13.

Sa abiso ng MMDA nitong Miyerkoles, sinabi ng ahensiya na suspindido ang number coding sa mga provincial bus simula bukas, Biyernes, hanggang sa Martes, Mayo 14 para tiyakin na may sapat na pampublikong transportasyon ang mga pasahero patungong probinsya at pabalik ng Metro Manila.

Ayon kay MMDA traffic chief Bong Nebrija, nais nilang mapadali ang pagbiyahe ng mga pasaherong uuwi ng probinsya para bomoto gayundin ang pagbalik ng mga ito sa Metro Manila.

Samantala, awtomatikong suspendido rin ang number coding scheme sa lahat ng mga pampubliko at pribadong sasakyan ngayong weekend hanggang sa araw ng eleksyon.

Muling ipapatupad ang number coding sa Miyerkoles, Mayo 15. (Armida Rico)