Mga laro sa Miyerkules (Smart Araneta Coliseum)
4:15 p.m. — Meralco vs. Mahindra (for No. 4)
7:00 p.m. — Phoenix vs. Rain or Shine (for No. 8)
Malakas ang signal ng TNT KaTropa sa Alonte Sports Arena sa Biñan kagabi, mula opening tipoff ay hindi naglubay hanggang kumpletuhin ang 104-92 panalo kontra Ginebra para kontakin ang No. 1 seeding sa PBA Governors Cup.
Hindi halos nakapalag ang Gin Kings na naiwang naghahabol sa halos buong 48-minutes.
“Both teams played out to win naman today, we just played a bit better,” pakli ni TNT coach Jong Uichico. “Placing lang naman whether you’re 1, 2 or 3, we just hope for the best to maintain momentum.”
Hihintayin muna ng TNT ang makakatapat sa quarters sa resulta ng playoff para sa No. 8 ng Phoenix at Rain or Shine sa Miyerkules.
Pinamunuan ng 24 ni Mychal Ammons ang KaTropa, may 19 si Castro, 18 kay Michael Madanly at 14 si Larry Fonacier.
Dahil nanalo ang KaTropa, No. 2 seed ang San Miguel Beer na 106-101 winner laban sa Blackwater sa first game. Magkabuhol sa 8-3 ang Gin Kings at Beermen pero aakyat ang SMB dahil sa 111-105 double overtime win sa Ginebra noong Aug. 14.
Haharapin ng SMB ang No. 7 NLEX sa quarterfinals na sisiklab sa Huwebes sa Smart Araneta Coliseum. Twice-to-beat ang top four sa susunod na round.
Ipinagdiinan ni Elijah Millsap ang pagbabalik sa PBA sa kinamadang game-highs 25 points at 14 rebounds para sa Beermen, may mahalagang kontribusyon din sina Arwind Santos, June Mar Fajardo, Alex Cabagnot at Ronald Tubid.
Naigapos ang No. 1 shooter ng SMB na si Marcio Lassiter sa katiting na three points sa 1 of 9 shooting, pero may 19 points at seven rebounds si Santos, may 18 at 8 si Fajardo, 17 kay Cabagnot at 15 kay Tubid na ibinaon ang lima sa 16 3-pointers ng Beermen.