Plano ng pangalawa sa pinakamalaking political party sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na magkaroon sila ng kandidato para sa liderato ng Kamara pagpasok ng 18th Congress.

Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, aabandonahin na ng National Unity Party (NUP) ang pagiging taga­suporta lamang kapag may Speakership race sa Kamara at magpapatakbo rin ng kanilang pambato.

Sinabi ng source na hiniling na umano ng ilan sa mga top leader ng NUP sa presidente ng kanilang partido na si House Majority Leader Fredenil Castro na tumakbo sa Speakership race na ina­asahang magiging showdown ng mga pro-administration candidate.