Nur binoykot ang peace assembly sa BOL

No show si dating Moro National Libe­ration Front (MNLF) Chairman Nur Misuari sa Peace Assembly sa Cotabato City para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) kahapon.

Sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nito na isa si Misuari sa critical factor sa pangkalahatang proseso para sa pagkakaroon ng pangmatagalang katahimikan sa Mindanao.

Sinabi ng Pangulo na kakausapin niya ang dating MNLF chairman sa susunod na mga araw para pag-usapan ang mga hakbang na makapagsusulong ng kapayapaan sa buong rehiyon.

“I hope to talk to him in the coming days as we agreed. I would call out to him, extend my hand and friendship and peace and I hope we can try an agreement that will also promote the inte­rest of the MNLF and the rest of the Moro of Mindanao,” anang Pa­ngulo.

Tutol si Misuari na mapabilang ang kanyang balwarte sa mga lugar na masasakop ng Bangsamoro entity kapag nakalusot ang Bangsamoro Organic Law sa plebisito na nakatakda sa Lunes, Janu­ary 21 at sa February 6, 2019.

Sa Peace Assembly ay kumpleto ang mga dumalong opisyal ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), mga opisyal ng Moro Islamic Libe­ration Front (MILF) at MNLF maliban kay Misuari.