NutriAsia-Campos sagana sa kaltas, kulang sa biyaya sa mga empleyado — Villanueva

abante-tonite-joel-villanueva

Ibinunyag ni Senador Josel Villanueva ang mga kabalbalan ng NutriAsia sa mga empleyadong biniktima ng labor-only contracting o endo.

Sa kanyang sponsorship speech ng Senate Bill 1826 o ang Security of Tenure Bill, binanggit ni Villanueva ang naging karanasan ni Jornell Quiza, 28-anyos, agency-hired at kontraktwal sa NutriAsia mula pa noong 2010 na kahit minsan sa loob ng walong taon ay wala anyang natanggap na salary adjustment.

Ang masaklap pa anya kahit uniform o protective gear ay siya ang nagbabayad at kung minsan ay mahigit 12 oras siyang nagtatrabaho para lang maging sapat ang kanyang suweldo para sa pagkain ng kanyang pamilya.

Sinabi ni Villanueva na dahil walang seguridad sa trabaho, habambuhay ang mga ito na nasa laylayan ng lipunan, lubog sa kahirapan dahil palaging “new employee” sa iisa o iba’t ibang employer, minimum wage earner lang at kinakaltasan ng uniform, capital share sa kooperatiba at personal protective equipment o PPEs, at kadalasan ay hindi hinuhulugan ang kanilang SSS, Pag-IBIG at PhilHealth.

Isinisi ito ng senador sa mahinang implementasyon ng regularization orders ng Department of Labor and Employment (DOLE).

“Nananatili itong papel o order lamang dahil hindi naman naipapatupad sa iba’t ibang kadahilanan, isa na rito ang pag-apela hanggang sa Korte Suprema. Ang mga manggagawa ay tinatanggal o nagkakapalitan lang ng mga contractor, at ang pinakamasaklap, lalo pa po silang nalagay sa ala­nganin – tulad ng mga inaresto matapos ang marahas na dispersal ng mga manggaga­wang nagpiket sa NutriAsia sa Marilao, Bulacan at mga nagpo-protesta sa PLDT na ilang linggo nang walang tinatanggap na sahod sa kompan­ya,” giit ni Villanueva.

Ang NutriAsia ay pag-aari ng negosyanteng si Joselito Campos Jr.