Nutribun program bubuhayin sa Marikina

Ibabalik ng Pamahalaang Lokal ng Marikina City ang pamimigay ng tinapay na nutribun para mabigyan ng sapat na nutrisyon ang may 21,000 mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.

Nais ni Marikina Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro na magkaroon ng nutribun program para sa mga mag-aaral mula kinder hanggang grade 1.

Bahagi ito ng target ni Teodoro na makuha ang parangal na zero malnutrition sa kanilang siyudad sa susunod na taon sa pamamagitan ng pagbibigay ng feeding program sa kabataan.

“By next year, we are targeting zero malnutrition. We believe that the Nurtibun program is the key to attaining this goal,” ani Teodoro.

Ayon sa alkalde, nalaman kasi nila na may ibang bata na pumapasok na walang baon sa eskuwela kaya wala silang makain na masustansiya.

Ang sangkap ng nutribun ng Marikina ay malunggay, kalabasa, itlog at harina na masustansya at sapat na kailangan para sa kalusugan ng kabataan.

Matapos ang 120-araw ay muling isasailalim sa pagtitimbang ang mga mag-aaral upang malaman kung maayos na ang kanilang kalusugan.

(Vick Aquino)