Nagkaaberya ang pagbisita ni United States (US) President Barack Obama sa China.
Ayon sa ulat, paglapag pa lamang ng sinakyang Air Force One ni Obama sa Hangzhou Xiaoshan International Airport ay nagkaroon agad ng aberya.

Gumamit pa ng alternative exit si Obama sa kanyang pagbaba sa eroplano dahil walang inilaan na hagdanan na may red carpet ang paliparan para sa kanya.

Maliban dito ay may nangyari ring hindi inaasahan nang magkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng presidential aide ni Obama at ng isang Chinese official habang nasa tarmac ng Hangzhou Airport ang pinakamataas na lider ng mundo.

Nag-ugat ang pagtatalo matapos pagbawalan ng nasabing Chinese official na makalapit sa kanya ng ilang journalists na kasama ni Obama.

Nabatid na bahagi ng 11th at final presidential trip ni Obama sa Asia-Pacific ang pagbisita nito sa bansang China.