Patay ang isang construction worker matapos itong aksidenteng mahulog sa ika-27 palapag ng ginagawang gusali sa Barangay Wack-Wack, Mandaluyong City kamakalawa.

Dead on-the-spot matapos magtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Bimbo Barsobia, 26, ducting helper ng New Golden Cons­truction Builders (NGCB).

Sa ulat ng Mandaluyong City Police naganap ang insidente dakong alas-singko nang hapon sa construction site na pinagtatrabahuhan ng biktima sa Julia Vargas St., kanto ng EDSA Southbound, Brgy. Wack-wack ng lungsod na ito.

Napag-alaman na abala sa paglalagay ng air duct system sa tabi ng elevator ng ika-27 palapag ang biktima nang aksidente itong madulas sa tinatapakang scaffolding dahilan upang mawalan ito ng balanse at tuluyang mahulog.

Bumagsak ang biktima sa catch board na nasa ika-17 palapag na agad namang pinuntahan ng mga kasamahan subalit wala na itong buhay dahil sa tinamong mga grabeng tama sa ulo at katawan.

Ang pangyayari ay mabilis namang naiulat ng safety officer ng ginagawang gusali sa pulisya na ngayon ay nagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente. (Edwin Balasa)