Inaresto ng pulisya ang isang 44-anyos na construction worker matapos makuha sa pag-iingat nito ang isang baril at iba’t ibang bala.

Sa bisa ng search warrant, hinalughog ng mga awtoridad ang tinitirhan ni Rolando Salvatera sa Brgy. Francia West, Tubao, La Union Linggo nang hapon.

Dito nakuha sa suspek ang isang .38 revolver na walang serial number, isang bala ng M-203 grenade, limang bala ng .45 pistol, at sampung bala ng super .38 pistol.

Batay sa ulat, nakatanggap umano ng intelligence report ang 2nd La Union Provincial Mobile Force Company na nagtatago ng mga armas at bala sa kanyang bahay si Salvatera.

Kasong paglabag sa illegal possession of firearms and ammunition ang kakaharapin ng suspek.