Selos ang pinaniniwalaang dahilan ng pananaksak at pag­patay­ ng isang ex-convict­ sa 47-anyos na construction worker, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Hindi na umabot ng buhay sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Ricardo De Mesa, 47, construction worker, at residente ng 378 Ibarra Street, Tondo, dahil sa mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Habang tumakas ang  suspek na si Romeo Constantino Jr. alyas ‘Pangie’, ng 340 Sandico Street, sa Tondo at kala­labas lamang umano ng bilangguan dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Ayon kay SPO2 Charles John Duran, imbestigador ng Manila Police District–homicide section, dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa San Dico Street, kanto ng Pacheco Street sa Tondo.

Sa hindi pa malamang kadahilanan ay nagkaroon umano nang pagtatalo sa pagitan ng da­lawa hanggang sa magbunot ng patalim ang suspek at paulit-ulit na sinaksak ang biktima sa tagiliran, dibdib at mukha, bago tumakas.

Sugatan man, nakauwi pa ng bahay ang biktima at naisugod sa pagamutan ng mga kaanak pero idineklarang dead-on-arrival.