by Allan Bergonia
Patay ang isang construction worker matapos itong pagsasaksakin ng kanyang katrabaho na naningil ng pautang sa bayan ng San Nicolas, Ilocos Norte kahapon nang madaling-araw.
Kinilala ng San Nicolas Police ang nasawing biktima na si Jomel Castillo, 28, may-asawa, habang ang nadakip na suspek naman ay si Rommel Tasi, 28.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na nangyari ang pananaksak sa holding area ng pinagtatrabahuan ng dalawa sa Brgy. San Nicolas.
Nagsimula umanong mag-inuman ang dalawa kasama ang iba pang katrabaho noong Biyernes nang gabi hanggang sa sumapit ang madaling-araw ay naningil umano ng utang si Tasi kay Castillo na humantong sa pagtatalo.
Sa kanilang pag-aaway, bumunot umano ng kutsilyo ang suspek at walang ano-anong sinaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito, sanhi ng agaran nitong pagkamatay.
Sasampahan na ng kasong homicide ang suspek.