Ochoa, Ju-jitsu 7 medal sa Asian Championships

Ochoa, Ju-jitsu 7 medal sa Asian Championships

Bumira ng pitong medalya ang Team Ju-jitsu Pilipinas tampok ang isang ginto, apat na pilak at dalawang tanso sa 4th Ju-jitsu Asian Championships sa Ulaanbaatar, Mongolia.

Pinangunahan ni 2018 Asian Games bronze meda­list Meggie Ochoa ang kampanya ng Pilipinas sa pagwawalis sa lahat ng kanyang anim na laban kahit na bumaba ito sa isang dibisyon na -45 kilograms tungo sa pagiging kampeon.

Ang ipinagmamalaki ng Atos Ju-jitsu na si Ochoa ay kasalukuyang pinaghahandaan ang pagsabak sa nalalapit na 30th SEA Games na gagawin sa bansa kasama ang iba pang kakampi na nagawa din magwagi sa torneo.

Kinapos naman ang World Ju-jitsu champion na si Annie Ramirez na masundan ang kanyang unang ginto sa isang internasyonal na torneo matapos magkasya sa medalyang pilak.

Tinalo ni Ramirez ang kanyang unang dalawang kalaban bago na lamang nabigo sa kampeonato sa pamamagitan ng decision tungo sa pagiging ikalawa sa women’s -57kgs. cate­gory.

Ang kakampi nito sa pambansang koponan na si Kaila Napolis ang sumungkit ng tansong medalya.

Nag-ambag din ng kanilang husay sina Andrea Lao, Jolly Co at Kimberly Custodio upang ipadama ang matinding kampanya ng Pilipinas sa kompetisyon.
Pumangalawa si Lao sa women’s -63kgs. bracket habang pinaglabanan nina Co at Custodio ang tansong medalya na napunta kay Custodio sa -48kgs.

Nagwagi din sa kalalakihan si Carlo Peña na nakasungkit ng pilak habang kinapos naman sina Marc Lim at Gian Dee na makasungkit ng medalya. (Lito Oredo)