Oconer primera sa ‘6’, Oranza pa rin sa taas

Nasikwat ni George Oconer ng Team Go for Gold ang Stage 6 kaya naman muli siyang sumampa sa top 10 sa individual classification ng Ronda Pilipinas 2018 kahapon dito sa Tarlac City.

Inungusan ni 26-year-old Oconer si Navy-Standard Insurance rider Ronald Oranza sa sprint sa huling 50 metro ng labanan, pero hawak pa rin ng huli ang overall lead.

Nirehistro ni Oconer ang dalawang oras, 37 minuto at apat na segundo sa 111.8 kms. Na sinimulan sa San Jose papunta sa kabisera ng Tarlac sapat upang lumanding sa eighth place sa IC.

Pangalawang tumawid ng meta si Oranza, kapareho niya ng oras si Oconer, tersero si Jhon Mark Camingao ng Navy.
Kahit malayo si Oconer kay overall leader Oranza, gagawin pa rin aniya ang lahat para makalapit ng bahagya sa unahan.

“Medyo mahirap na yan pero gagawin ko pa rin ‘yung lahat na laging mapunta sa harap,” hayag ni Oconer, na 14 minuto at 10 segundo ang hinahabol kay Oranza.

Tatlong Navy riders ang may hawak ng 1, 2, 3 sa IC, may aggregate time na 20 oras, 17 minuto at 12 segundo kung saan si Villasis, Pangasinan native Oranza ay limang minuto at walong segundo ang agwat sa teammate at defending champion Jan Paul Morales.

Nasa pangatlo ang isa pang Navy cyclist Ronald Lomotos na may 20:26:09 sa event na mga suportado ng MVP Sports Foundation, Filinvest, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Sports, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.

Inupuan ni 20-year-old Jay Lampawog ng Go for Gold Developmental team ang fourth, (20:28:25) habang sina Cris Joven ng Team Philippine Army-Bicycology, (20:28:48) at Ronnel Hualda ng Go for Gold Developmental Team, (20:29:47) ang sumilo sa fifth at sixth sa IC ayon sa pagkakasunod.

Namamayagpag sa sprint classification si Morales na may nalikom na 82 points, pangalawa si Oranza, (53 pts.) habang pangatlo si Oconer, (43 pts.).

Pero kasama si Oranza sa mga naaksidente kahapon matapos sumemplang sa bandang Cami­ling, Tarlac kaya inaasa­hang may mararamdaman itong sakit paglarga ng paglarga ng 35.5 kms. Tarlac City – Monasterio de Tarlac ITT Stage 7 ngayong umaga.

“Ang hapdi ng gasgas ko kaya ayaw ko na humila,” pero pipilitin ko pa rin sumabay para manatili sa atin ang red jersey,” (elech dawa) hayag ni Oranza. (Elech Dawa)