Hindi nauga si George Oconer at ang kinaanibang Standard Insurance-Navy sa Stage 9 ng LBC Ronda Pilipinas 10th Anniversary race na nagsimula sa Pugo, La Union at natapos sa Ilocos Sur Provincial Capitol dito sa Vigan City kahapon.

Nanatiling kapit ni Oconer, 28-anyos, ang overall individual classification matapos ilista ang aggregate clocking na 31 oras, 50 minuto at 52 segundo pagkatapos ng 176.4 km na karera.

Kaya naman tiyak na kay Oconer ang titulo na matagal na niyang inaasam sa event na inorganisa ng LBC sa pakikipagtulungan ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation, at mga suportado ng Versa, 8A Performance, Print2Go, Petron, Green Planet, Bike Xtreme, Standard Insurance, Spyder, CCN, Lightwater, Prolite, Guerciotti, Black Mamba, Boy Kanin, Vitamin Boost, NLEX-SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at PhilCycling.

“Mag-iingat na lang kami bukas, (ngayon) para hindi na mawala pa sa amin ito,” saad ni Oconer. “Sakaling makuha ko ito, nagpapasa­lamat ako ng mga kakampi ko at sa Standard Insurance dahil sa kanilang suporta.”

Ikakasa ang last at final Stage 10 Criterium nga­yong araw, may 40 minutes na magpapaikot-ikot ang mga siklista bago ang plus three laps.

Nasa second hanggang sixth place ng overall IC ang Navy riders na sina 2018 champion Ronald Oranza, Ronald Lomotos, John Mark Camingao, Junrey Navarra at El Joshua Carino ayon sa pagkakahilera.

Nagwagi sa nasabing stage si Kenneth Solis ng Tarlac Central Luzon, nilista ang ti­yempong 4 hrs., 15 mins. at 27 secs., second placer si Christopher Garado ng South Luzon Batangas habang pangatlo si Mar Sudario ng Bike Xtreme Philippines. (Elech Dawa)