Maaaring hindi lang unang beses na makikita ng Pinoy fans na maglaro para sa bansa ang dating NBA player na si Lamar Odom.
Kung magiging maganda ang kalalabasan ng kanyang pagsabak sa Mighty Sports at paglalaro nito sa Dubai International Basketball Tournament ngayong Pebrero ay maaari pang matagal siyang masaksihan.
Halos limang taon ding nagpahinga sa baketbol si Odom at ito ang unang beses na muli siyang sasabak sa sport.
“If it goes good here, I can see myself maybe playing basketball here,” wika ng 39-anyos na si Odom sa isang press conference kahapon.
Ayon sa agent niyang si Sheryl Reyes, hindi na kaila sa iba na gusto ni Odom na maglaro sa PBA o sa Alab Pilipinas sa ABL at hindi rin aniya isisantabi ang posibilidad na magpa-naturalized ito para makapaglaro para sa Team Pilipinas.
Hindi pa man sigurado ang magiging kahihinatnan ng karera ni Odom sa Pilipinas, ie-enjoy muna ng NBA Sixth Man of the Year ang pamamalagi niya sa bansa.
“I like it [here] and I like that they [Filipinos] love basketball,” ani Odom.