Odom nagsisi sa pagsangla ng singsing

Kung meron man isang taong labis na nanghihinayang at nagsisisi sa pagpanaw ni Kobe Bryant, iyan ay si dating Los Angeles Lakers star Lamar Odom.

Nanghihinayang – dahil nawalan na siya ng life coach.

Noong nabubuhay pa ang National Basketball Association (NBA) legend ay sa kanya humahakot ng payo sa bawat nagiging desisyon niya sa buhay si Odom.

“I miss my guy,” emosyonal na pahayag ni Odom sa report ng TMZ.

Ngayong wala na si Kobe ay wala na itong malalapitan at mahihingan ng payo lalo na tuwing siya’y nagkakamali.

Nagsisisi – dahil bukod sa wala nang malalapitan ay labis nitong pinanghinayangan ang pagsanla sa kanyang 2009 NBA Championship ring dahil sa dramang kinasangkutan o napahamak na pakikipagrelasyon kay Khloe Kardashian.

“First, I would ask him how do I get these fans to forgive me for pawning those rings?” mensahe niya sa yumaong kaibigan.

Pero kung babawiin man ngayon ni Odom ang sinanlang singsing ay aabutin na ito ng halos $100,000 o mahigit P5M. (Aivan Episcope)