Office of the Presidential Spokesperson binuhay ni Duterte

Nilusaw ng Malacañang ang Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) na itinatag noong nakalipas na administrasyon, at pinamunuan ni dating Secretary Ricky Carandang subalit biuhay naman ang Office of the Presidential Spokesperson (OPS).

Nakapaloob ito sa Executive Order No. 111 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bahagi ng ipinatutupad na streamlining ng gobyerno.

Nakasaad sa EO na may pangangailangang mabawasan ang operasyon ng mga tanggapan sa gobyerno, lalo na yaong hindi masyadong kailangan.

“Pursuant to the rationalization and streamlining efforts to achieve simplicity, economy and efficiency in government, the PCDSPO is hereby abolished,” nakasaad sa EO 111.

Kasabay nang pagbuwag sa nabanggit na tanggapan ang muling pagbuhay naman sa OPS sa ilalim ng Office of the President.

Kabilang sa mandato ng OPS ay magsilbing tagapagsalita ng Malacañang sa mga ginagawa ng Pangulo, kabilang na dito ang mga polisiya, programa, opisyal na mga aktibidad ng Punong Ehekutibo, at mga nagagawa ng gobyerno.

Dapat na magkaroon ng koordinasyon ang OPS at Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa lahat ng mga aktibidad at mahahalagang bagay patungkol sa Pangulo at sa Malacañang.

“The Presidential Spokesperson maybe assisted by a deputy spokesperson and an assistant spokesperson who shall serve in co-terminus capacity,” ayon pa sa EO. (Aileen Taliping)