Humarurot sa opensa sina Calvin Oftana at James Canlas upang tulungan ang defending champions San Beda College (SBU) Red Lions na ilista ang malinis na 17 panalo kahapon sa 95th NCAA men’s basketball tournament sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.

Kumayod sina Oftana at Canlas ng 29 at 21 points, ayon sa pagkakabanggit, para sa Red Lions na sinakmal ang College of Saint Benilde Blazers, 95-73.

Lumapit ang Mendiola-based squad San Beda sa 18-game elimination round sweep.

Sakaling manalo ang San Beda sa kanilang huling laro ay tutuloy na sila sa championship round, mawawala ang magic four semifinals at mapapalitan ito ng stepladder match kung saan maglalaban ang No. 4 at No. 3 teams at ang mananalo ay haharapin ng No. 2 seed.

May kabagalan ang laro ng SBC sa unang dalawang periods, naghabol sila ng isang puntos, 41-42, sa halftime.

Subalit lumabas ang bangis ng Red Lions sa third period, nilapa nila ang 31-16 abante para maagaw ang unahan, 72-58 papasok ng fourth.

Sinabayan na lang ng San Beda ang Blazers sa payoff period para manatili sa kanila ang bentahe at makuha ang panalo.

Nag-ambag din sa opensa sina Donald Tankoua, AC Soberano at Evan Nelle ng tig 13, 10 at nine markers ayon sa pagkakahilera.

Nagtala si Justin Gutang 23 puntos para sa Blazers na lumalabo ang kanilang tsansa sa susunod phase, kailangan talunin ng mapua Cardinals ang San Sebastian College upang manatiling buhay ang kanilang asam.

Kasalukyang nagbabanatan ang Cardinals at stags habang tinitipa ang istoryang ito.

May kartang 7-9 ang CSB, lumanding sila sa pang-anim na puwesto. (Elech Dawa)