Ganap nang batas ang Handbook for Overseas Filipino Workers bill matapos itong lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang Republic Act No. 11227 o ang Handbook for OFWs Act of 2018 ay pinirmahan ng Pangulo noong Pebrero 22 at inilabas ng Palasyo kahapon, araw ng Sabado.

Sa ilalim ng bagong batas, inaatasan ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na bumuo, maglimbag, magpalaganap at mag-update sa handbook na magla­laman ng mga karapatan at responsibilidad ng OFWs.

Layon ng handbook na palakasin ang OFWs at ipaalam ang kanilang karapatan at responsibilidad, at ipaalam sa mga ito ang sitwasyon ng pamumuhay sa bansang pupuntahan.

Ang handbook ay isinulat sa Ingles subalit mayroong translation sa mga lokal na dayalekto, at ipapamigay ito nang libre sa lahat ng mga OFW ma­ging ito man ay land-based o sea-based.

Inaatasan sa ilalim ng batas ang Department of Labor and Employment (DOLE), POEA at Department of Foreign Affairs (DFA) na i-promote ang kapakanan at proteksiyunan ang karapatan ng mga Pinoy worker.

“The DOLE was mandated to see to it that labor and social welfare laws in the foreign countries are fairly ­applied to migrant workers and whenever applicable, to other overseas Filipinos including the grant of legal assistance and the referral to proper medical centers of hospitals,” anang batas.