Isa na namang email ang ating tinanggap mula kay G. John Leonard Monterona, convenor ng United Overseas Filipinos Worldwide na nilalapitan ng mga nasasadlak sa problemang mga OFWs.
Sir/Madame,
Si Harvie T. Caballero na nagtrabaho sa Riyadh, Saudi Arabia sa tulong ng recruitment agency sa Pilipinas na Jamal Human Recourse International at Jamal al-Mofawaz Manpower Recruitment Services sa Saudi Arabia ay humihingi ng tulong sa ating gobyerno sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na makauwi na ng Pilipinas.
Mahigit pitong buwan pa lamang siya sa Saudi Arabia dahil Enero 27, 2016 nang dumating ito sa Saudi at namasukan sa employer na si Mohammed Delaim al-Otibi sa Hamza Al-Rouda, Riyadh.
Hindi naman tinukoy ng ating kababayang si Harvie kung anong klaseng trabaho mayroon siya.
Gusto na raw niyang umuwi ng Pilipinas dahil masyadong delikado ang kanyang kalagayan.
“Dahil pinaglalakad lang po ako going to workplace ng sobra 1 kilometro at gabi pa naman at madilim ang dinadaanan ko, delikado for my safety. Muntik na akong ma-rape nitong Huly 22,2016 ng mga militar sa apartment ko nagsumbong ako sa amo ko dito wala man lang siyang action na ginawa,” bahagi ng email ni Harvie sa U-OFW.
We will highly appreciate your prompt action.
John Leonard Monterona, U-OFW
***
Ang Bayani Ka ay makikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng ating pamahalaan upang maiparating ang hinaing ni Harvie.
Gayunpaman kinumpirma ng U-OFW na nauna na nilang ipinarating sa POLO-OWWA RIYADH, OWWA RAD, POEA REPATRIATION UNIT at OFFICE of the POEA ADMINISTRATOR ang kaso ni Harvie pero wala pa ring aksyon ang nasabing mga tanggapan kaya nakipag-ugnayan na ang U-OFW sa Bayani Ka para sa mas mabilis na aksyon.
Sa susunod pong isyu ay aming ilalathala ang naging tugon ng POLO-OWWA Riyadh, OWWA at POEA sa kaso ni Harvie at Mariecar Calaunan.