OFW na pasahero ng Saudi ninakawan ng 42K, mga alahas

Kumalat kahapon sa social media ang Facebook post ng isang pina-deport na overseas Filipino worker sa Jeddah, Saudi Arabia na nagrereklamo matapos na manakawan ng 3,000 Saudi riyal at iba pang mahahalagang gamit sa kanyang bagahe.

Hindi matiyak ng OFW na si Andrew Montes kung ninakaw ang kanyang pera at mga gamit sa Jeddah o sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa kanyang video post, ibinuyangyang ni Montes ang mga laman ng kanyang check-in luggage kung saan nasimot umano ang kanyang 3,000 Saudi riyal o higit P42,000 halaga, mga relo, sing­sing, bracelet, iPhone na nakalagay sa loob ng kanyang bag nang sumakay sa isang flight ng Saudia galing Jeddah pauwi ng bansa.

Sa kuwento ni Montes, sinabihan sila ng mga immigration official na ilagay ang kanilang mga alahas sa check-in luggage bago sumakay ng Saudia noong Nobyembre 17.

Gayunman, nagulat na lang siya pagdating sa NAIA nang madiskubre na magulo na ang laman ng kanyang bagahe.

Sabi ni Montes, naka-tape ang kulay itim niyang bag at may backpack pa sa loob para mas ligtas ang mga dala-dala niya. Pero nang lumapag sila sa NAIA Terminal 1 ay doon niya nadiskubre na magkahiwalay na ang kanyang bag at backpack.

Ayon kay Montes, nagsampa na siya ng reklamo sa kinatawan ng Saudia sa NAIA at nangako umano ang nasabing kompanya na babayaran ang mga nawala sa kanya.

Gayunman, nakatanggap umano siya ng email mula sa Saudia na nagsasabing walang pananagutan ang kompanya.

Sa email sa kanya ng Saudia Airlines Guest Relations-Baggage, nakasaad na hindi pinapayagan na maglagay ang kanilang mga pasahero sa kanilang check-in baggage ng mga ‘perisha­ble or fragile article’ ganundin ng mga item na katulad ng ginto, alahas, relo, silverware, banknotes, mobile, laptop, at iba pang importanteng dokumento.

Humingi ng pang-unawa ang Saudia dahil wala umano silang pananagutan na bayaran ang anumang nawala sa kanilang pasahero.