OFW na sangkatutak ang sakit ayaw ipadoktor ng amo

Dear Mam/Sir,

Ako po si Aprilyn Doculan Ellanan. Gusto ko na pong umuwi dahil po sa sakit ko na high blood, UTI at nakita rin po na may problema ako sa baga.

Sabi ng agent ko po magagamot pa raw pero bakit po lalo pong lumalala ‘yong nararamdaman ko po. Lagi rin po ako nahihilo at namamanhid po katawan ko. Tapos nanginginig po.

Hindi lang po ata U.T.I ‘to baka po may damage na po ‘yong kidney ko po. Lagi po mainit tagili­ran ko  at likod po. Maga po ‘yong left ng binti ko t­apos giniginaw po ako.

Pag ganu’n po na mainit ‘yung tagiliran ko at likod ko po sinabi ko po sa employer ko na dalhin ako sa doktor pero ayaw po nila. Kahit­ iyak po ako nang iyak sa kanila po…tapos sinabi po sa akin na kung gusto ko raw umuwi bayaran ko raw ‘yung 18,000 Riyal na ginastos nila.

Kapag minsan pa raw po na nagsabi ako sa kanila na may masakit ako, ipapupulis na raw po ako. Hawa­k din po nila passport ko at ‘di po ako binigyan­ ng simcard dito. Tulungan n’yo po ako. ­Parang awa niyo na po. Gusto ko pa pong makasama­ mga anak ko bago man lang ako mamatay.

Aprilyn Doculan Ellanan

***

Si Aprilyn ay dumating sa Saudi noong Mayo 24, 2016 at nakapagtrabaho sa Saudi sa tulong ng BM SKYWAY GENERAL SERVICES AND TRADING­ na may tanggapan sa Ground floor JEPCO Building, 2114 M.H del Pilar St., Malate, Manila na ang counterpart agency sa Saudi ay ang AL-ALAMI recruitment office na ang tanggapan ay nasa Dabab Street Opp. Chamber of commerce at ang employer ay si Ibrahim Abdullah Salih Elsamry na nakatira naman sa  AL-rabwaa St., AL Yasmien, Riyadh.

Naiparating na rin ng U-OFW ang kaso ni Aprilyn­ sa BM SKYWAY, POLO-OWWA RIYADH­, OWWA­ RAD, POEA REPATRIATION UNIT at OFFICE OF THE POEA ADMINISTRATOR­ per­o wala pa ring aksyon sa kasong ito.

Kaya ang BayaniKa­ ay nananawagan sa mga nabanggit na tanggapan na umaksyon na bago pa lumala ang problema ni ­Aprilyn. Makikipag-ugnayan din ang BayaniKa sa nasabing mga tanggapan para hingin ang karampatang aksyon.