Isang lalaking overseas Filipino worker (OFW) ang sinamang-palad na masawi sa gitgitan ng dalawang bus sa EDSA-Guadalupe, Makati City noong Sabado nang gabi.
Base sa ulat ng Southern Police District, kinilala ang nasawing biktima na si Luis Oracion na nakatira sa Quezon City.
Nalaman sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na pasakay sana ang biktima sa isang bus nang makagitgitan nito ang isa pang pampasaherong bus sa north bound lane ng EDSA-Guadalupe.
Naipit sa gitna ang biktima hanggang sa tuluyan itong masagasaan.
Sinaklolohan naman ang biktima at isinugod sa Ospital ng Makati pero idineklara itong dead-on-arrival makalipas ang ilang minuto.
Hawak ngayon ng pulisya ang dalawang drayber ng bus na sangkot sa insidente na kinilalang sina Marlon Solis, 46, at Dominador Tobias, 68.
Ang dalawang bus na sangkot sa trahedya ay pag-aari ng Nicolas Albert Transport at Pitbull Bus Transport.