Inihayag ng Department of Foreign Affairs na magsasagawa sila ng imbestigasyon sa kaso ng isang 44-anyos na overseas Filipino worker (OFW) na namatay umano dahil sa pagkalason sa Saudi Arabia.
Sinabi kahapon ni DFA spokesperson Elmer Cato, nasawi ang biktima na kinilalang si Emerita Gannaban noong Oktubre 29 sa Prince Mohammed bin Abdulaziz Hospital sa Riyadh.
Nabatid na taga-Kalinga, sa Cordillera Administrative Region, ang biktima at nagtatrabaho bilang domestic helper sa Saudi Arabia. Noong buwan ng Hunyo umano dumating ito sa Saudi Arabia para magtrabaho.
Tiniyak ng pamahalaan na aalamin nila kung ano talaga ang ikinamatay ng biktima dahil na rin sa mga ulat na minaltrato ito at namatay sa pagkalason.
Hinihintay na lamang aniya ng Philippine Embassy sa Saudi ang resulta ng isinagawang autopsy sa mga labi ng biktima.