Walang duda, mahalaga sa gobyernong Duterte ang kapakanan ng milyun-milyong mga overseas Filipino workers (OFWs) na nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Patunay dito ang mga nakalinyang programa ng pamahalaan na nagsusulong sa kapakanan ng mga OFWs.
Marami nang nailatag hinggil dito ang gobyerno sa pangunguna ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Employment Agency (POEA).
Hindi lamang iyan ang pruweba na talagang may espasyo sa liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga OFWs kundi marami pang iba.
Katulad na lamang ng pagbibitbit ni Pangulong Duterte pabalik ng bansa ng ilang OFWs na stranded sa Middle East noong ito ay bumisita sa ilang bansa sa nasabing rehiyon.
Nauna rito, nakaraang taon ay may ilan na ring napauwing mga OFWs ang gobyerno sa ilalim ng pamamahala ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre ‘Bebot’ Bello.
Alinsunod sa kautusan ni PDu30 ay tinutukan ng DOLE ang kalagayan ng mga stranded OFWs sa Middle East at tinulungang makauwi ang ilang gusto nang umuwi ng bansa.
Ang bongga pang ginawa ng pamahalaan, pagkauwi ng bansa ay tinulungan pa ang mga ito upang magkaroon ng ikabubuhay sa kanilang pagbabalik-Pilipinas sa pamamagitan ng ginawang pagbibigay ng puhunan para magamit sa livelihood projects.
May ilan namang binigyan ng tsansa ang kani-kanilang pamilya o anak ng scholarship program.
Kaya naman sa nakatakdang pagbisita ni Pangulong Duterte sa Russia ngayong Linggo ay mapalad na naman ang ilan nating mga kababayan na nasa nasabing bansa na gusto nang umuwi pero hindi makauwi dahil sa ilang kinakaharap na problema katulad ng overstaying at iba pang mga kaso.
Sabagay, malaking boto ang nakuha ni Pangulong Duterte sa mga OFWs noong ito ay kumandidato kaya tama lamang na bigyang pansin ang kapakanan ng mga ito na napabayaan ng nagdaang administrasyon dahil sa halip na dagdagan ang pondong ilalaan dito ay binawasan pa na naging dahilan kaya tila nakagapos ang kamay ng mga opisyal ng iba’t ibang embahada ng Pilipinas sa buong mundo para tulungan ang mga OFWs na nahaharap sa iba’t ibang kaso bunsod ng kakapusan ng pondo.
Kaakibat din sana ng pagbibigay importansya ng gobyerno sa OFWs ay mabigyang-pansin ni Pangulong Duterte ang pondo ng OWWA na limpak-limpak na pero hindi nagagamit sa kapakanan ng mga OFWs.
Ang sa akin, sa halip na bumunot pa ang Pangulo ng pondong ipantutulong sa OFWs sa kanyang tanggapan bakit hindi bawasan ang pondong nakokolekta mula sa mga OFWs, tutal ay para naman sa kanila ito.
Matagal na kasing kinukwestyon ang pondong ito ng mga OFWs pero hanggang ngayon ay wala pang linaw kung saan ginagastos ng OWWA.
Ang dapat gawin dahil kinolekta ito sa mga OFWs dapat ay ang mga OFWs din ang makinabang at hindi ang kung anu-anong tanggapan ng ating gobyerno o mga opisyal ng ating gobyerno.