Ogie ayaw pabalikin sa gag show

Ikinuwento ni Paolo Contis na 10 to 12 years siyang semi-regular sa “Bubble Gang”. Naging regular cast member lang siya nang umalis si Ogie Alcasid.

“Nang umalis si kuya Ogie, nagkaroon ng budget at marami kaming naging regular. Ganu’n kalaki ang talent fee niya, kaya thank you kuya Ogie, ‘wag ka nang babalik,” pagbibiro ni Paolo.

Pero hindi nagbibiro si Paolo nu’ng sabihin niya sa presscon ng 24th year, two-part superhero telemovie anniversary special na 10 days silang nag-shoot para sa “The ScAvengers”.

Pinatotohanan naman ito ni Michael V kaya nga raw kailangan na dalawa ang director nila para mas lalong astig ang dating ng telemovie na ipinagmamalaki ng buong cast at mapapanood sa November 15 and 22 pagkatapos ng “One of the Baes”.

Bukod kay Bert de Leon, director din ng “The ScAvengers” si Rico Gutierrez at siya ang in-charge sa fight scenes at special effects. Ito kasi ang expertise ni Direk Rico kaya ginawa raw nito na special, hindi regular, ang sound ng bakal sa fight scenes. Tunog Dolby raw ito.

Alden 2 taping ‘di makakasipot

Ang love ng inyong diva na si Alden Richards ay double time ngayon sa pagti-taping ng “The Gift”, dahil next week, five days siyang mawawala at dalawang araw ng taping ang hindi niya masisipot.

Papunta kasi ang Dabarkads sa Dubai para sa kanilang Dabarkads Day in Dubai sa November 15, na gaganapin sa Dubai World Trade Centre.

Makakasama ni Alden sina Sen. Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, Jose Manalo, Wally Bayola, Pauleen Luna, Allan K., Ryzza Mae Dizon, Baeby Baste at Maine Mendoza.

Hindi rin siya nagbakasyon dahil noong November 1, wala man siyang taping, inilipat naman nila ng family niya ang ashes ng ina nilang si Mommy Rio sa museleo ng mga Faulkersons sa Centennial Memorial Garden sa Sta. Rosa, Laguna.

Kaya dalawang Sundays nang nagti-taping si Alden ng “The Gift”, na lalong sinusubaybayan ng netizens, may mga umiiyak na dahil sa mga madadramang eksena ni Sep (Alden), Lola Char (Elizabeth Oropesa) at Nanay Straw (Jo Berry).

Worried naman ang diva that you love dahil ang episode nu’ng Monday night ay may mga dumukot na lalaki kay Sep (Alden). Makaligtas kaya siya?

Siyempre naman. Mayroon ba naman bidang namamatay, lalo sa teleserye na gawang-Pinoy, ‘di ‘Neng?

Si Carlo Dalisay nga hindi tinatablan ng bala, ‘di ba? Charot!!!

Artistang supporter ni Digong walang ginagawa?

Maraming humihingi ng tulong para sa mga kababayan natin sa Mindanao na naapektuhan ng sunod-sunod na lindol na hindi bumababa sa intensity magnitude 6. Kailangan nila ng tubig, pagkain at gamot. May private citizens nang tumutulong sa kanila, tulad ni Angel Locsin, ang GMA Kapuso Foundation, at nag-post sa Twitter ang SIP Purified Water (na endorser si Maine Mendoza) ng “Together with our distributor in Davao, we initiated a relief program to aid the earthquake victims by giving them clean water supplies.”

Pangunahing kailangan din nila ang bigas, canned goods, trapal/tent at mosquito net, dahil doon na lamang sila sa mga malapit sa kalye naninirahan. Tiyak namang marami tayong kababayan na tumutulong sa kanila hindi na nga lamang nila ipinaalam.

Pero nagtatanong din ang mga netizen. Sa Mindanao pa naman lumindol, eh bakit daw ang mga artistang kilalang supporters ni Pres. Duterte eh walang ginagawa para tumulong sa mga biktima ng lindol?

Saka bakit daw walang TV network na nagsagawa ng telethon para mangalap ng tulong para sa earthquake victims?