ROMMEL PLACENTE: Ngayong March ay ipapalabas ang pelikulang Kuya Wes na ang magkapareha ay sina Ogie Alcasid at Ina Raymundo, Pangsamatagal nina Bayani Agbayani at Gelli de Belen at Papa Pogi nina Teddy Corpus at Myrtle Sarrosa. Nandiyan din ang ‘Ulan’ nina Nadine Lustre at Carlo Aquino at ‘Maria’ ni Cristine Reyes.
Kung mapapansin natin, ang mga bidang lalaki sa unang tatlong pelikula ay pawang mga komedyante, na halatang sinadya ng mga producer na sila ang kunin na.
Baka nga naman maging hit din ang kani-kanilang pelikula sa takilya once naipalabas na ito, gaya ng nangyari sa Kita Kita nina Empoy Marquez at Alessandra de Rosi.
Ganun nga rin kaya ang kahihinatnan ng tatlong pelikula o mangangamote ito sa takilya? Dapat ay maganda ang tatlong pelikula na magiging word of mouth ito para panoorin ng mga tao gaya nga ng nangyari sa ‘Kita Kita’.
Nag-eksperimento na rin lang ang movie producers na komedyante rin ang kinuha nilang bida, pero dapat nga ay siguraduhin din nila na maganda ang pelikula.
RODEL FERNANDO: Kaabang-abang nga at dapat pag-usapan ang mga artistang magkakapareha sa mga ipapalabas na pelikula ngayong Marso. Nariyan ang Kuya Wes nina Ogie Alcasid at Ina Raymundo, Bayani Agbayani at Gelli de Belen sa ‘Pansamantagal’ at saka ‘yung kina Teddy Corpuz at Myrtle Sarossa na Papa Pogi.
Nakaungos na kahit papaano ang Kuya Wes sa mga tatlong pelikulang nabanggit dahil napansin ito sa isang international film festival sa Portugal. Nanalo roon si Ina bilang Best Actress. Bukod pa rito ang pagbibigay ng Graded A sa pelikula ng Cinema Evaluation Board. Ito ang pelikulang pinagtulungang iprodyus ng Spring Films nina Piolo Pascual at A Team ni Ogie Alcasid.
Isa pa, napanood na namin ang movie at nagandahan kami. Simple pero matindi ang naging impact sa amin after watching the film. Hindi nakakapagtakang maganda ang review ng movie at napansin ang acting nina Ogie at Ina. May chemistry din sila huh!
Sana naman maging maganda ang kapalaran ng mga pelikulang ito sa March 13 dahil mukha namang ginastusan at pinaghandaan.
Kasama rin pala sa mga iso-showing na movie ngayong Marso ang pelikulang ‘Maria’ ni Cristine Reyes na balitang mas maganda sa mga action drama film na ginawa ni Anne Curtis.
Bilang pagsuporta namin sa local films ay nananawagan kami na suportahan natin ang mga pelikulang nabanggit at huwag sana mangyari ang sinapit ng mga pelikulang ipinalabas noong January na halos semplang sa takilya. Mas kumikita pa ang mga foreign films. Sana ay tangkilikin natin ang mga pelikulang sariling atin para naman ganahan pang gumawa ang mga film producer.
MILDRED BACUD: With all the digital platforms, apektado naman talaga ang industriyang ito pero bilib pa rin ako sa mga producers na patuloy na sumusugal para makapagproduce ng mga pelikula. Hindi na lamang ang malalaking movie productions ngayon ang gumagawa ng pelikula, nariyan na rin ang Spring Films, Reality at ibang independent producers.Mas nag-i-experiment na rin sila ng mga kombinasyon like Ogie and Ina, Teddy and Myrtle, Gelli and Bayani Agbayani. Why not, ‘di ba? Baka naman tulad ng Kita Kita nina Empoy at Alessandra de Rossi ay makatsamba ito sa takilya.
Bilib din kami sa hakbang na ginawa ng Star Cinema to collaborate and co-produce with the Singaporean people with the help of director Mikhail Red via the movie Eerie starring Bea Alonzo and Charo Santos dahil first time ay mari-release ang nasabing pelikula simultaneously sa Asya. Unang hakbang daw ito para ang pelikula natin na matagal na rin naman nari-recognize sa ibang bansa ay mas lumawak pa ang audience.
RONA AVECILLA: Maski ako ay nagtaka sa nakita kong line-up ng pelikula ngayong Marso. Mukhang sumusugal nga ang mga producer. Pero nakita kong may appeal ang tambalan nina Ogie at Ina sa pelikuka nilang Kuya Wes. Keri lang din sakin sina Gelli at Bayani.
On the other hand, nangangamba ako sa tambalan nina Teddy at Myrtle. Papatok kaya ito sa takilya katulad ng tambalan nina Empoy at Alessandra sa Kita Kita?
Dahil matumal nga ang mga pelikula sa takilya nitong Enero ay kailangan makabawi. LizQuen movie pa lang ang humahataw na umabot na sa P350M. Maganda ang review sa pelikula ni Cristine Reyes na Maria. Hard core kasi ang mga eksena at binigyan ng kakaibang karakter ang aktres.
Sana lang ay panoorin ng mga Pilipino viewer ang mga pelikulang local para maging stable ang industriya ng pelikulang Pilipino.