Pinahirapan ni Shohei Ohtani ang Minnesota Twins, sa isang yugto ay limang sunod na strikeouts ang kinamada ng two-way sensation habang pumukol hanggang seventh inning.
Bagama’t nahirapan din ang Los Angeles Angels sa pitching ng Twins, siniguro nilang hindi masasayang ang dominanteng performance ni Ohtani na tinampukan ng 11 strikeouts kontra tatlong singles lang.
Nag-deliver si Zack Cozart ng walk-off RBI single para ihatid ang Angels sa 2-1 panalo nitong Linggo.
Pinahanga muli ni Ohtani ang home fans sa pagpukol ng season-high 103 pitches sa pang-anim na start sa Angels. Sa bisa ng kanyang fastball na umaabot ng 99 mph at pitches na sumesentro sa strike zone, nakaipon na ang Japanese right-hander ng 43 strikeouts higit dalawang buwan pa lang sa season para alpasan ang franchise record ni Bo Belinsky sa strikeouts sa first six games.
“Phenomenal,” deskripsiyon ni Angels manager sa kanyang star pitcher. “He had both breaking balls working, his slider and his curveball. His splitter was as good as we’ve seen it, and he got some big outs with his fastball.”
Binigyan ng standing ovation si Ohtani paglabas ng seventh matapos ang nine-pitch walk na binigay kay Logan Morrison.
“I didn’t feel fatigued at all, actually,” pahayag ni Ohtani sa pamamagitan ng interpreter. “I feel like I was able to mix in all of my pitches and keep the hitters off balance.”