Nakakolekta ang Philippine Coast Guard (PCG) ng 140 litro ng langis na tumagas mula sa isang bulk carrier ship sa karagatang sakop ng Masbate City.
Nabatid kay Lt. Junior Grade Eduardo Aguilar, provincial station commander ng Masbate PCG na nakontrol ang oil spill dakong alas-tres ng hapon noong Biyernes.
Sinabi ni Aguilar na natukoy na nila ang pinanggalingan ng langis, kailangan lang na masiguro kaya hiningan ng mga oil samples ang mga barkong naka-daong sa Masbate Port.
Sa sandaling gumanda na ang lagay ng panahon ipadadala umano ang samples sa Marine Environmental Protection Command (MEPCom) para mapag-aralan ang mga ito.